5 kinasuhan sa pagpatay sa brodkaster
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kriminal ang lima-katao kabilang ang dating provincial administrator ng Palawan kaugnay sa pagpatay sa brodkaster na Gerry Ortega sa Puerto Princesa City ilang araw na ang nakalipas.
Kabilang sa mga kinasuhan ng murder ay ang gunman na si Marlon Dicamata alyas Marvin Alcaraz; Dennis Aranas, Armando Noel Loria, Jun-jun Bomar at ang abogadong si Romeo Seratubias.
Nabatid na si Seratubias ay dating provincial administrator ng Palawan na natukoy na may-ari ng baril na ginamit ni Dicamata sa pamamaslang kay Ortega.
Una nang inamin ni Dicamata ng Taguig City, na binayaran sa halagang P.1 milyon para iligpit si Ortega.
Si Ortega ay isang hard-hitting broadcaster sa programang Ramatak ng Radio Mindanao Network dwAR Puerto Princesa City na walang puknat ang pagbatikos sa operasyon ng minahan at ang Malampaya gas project.
Base sa beripikasyon ng pulisya, ang baril na ginamit sa krimen ay ibinenta sa isang tinukoy na Valicias noong Enero 15 bago binili ni Nonoy Regalado.
Magugunita na ang biktima ay pinagbabaril habang bumibili ng damit sa ukay-ukay store sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa City kung saan nasakote naman ang gunman na si Dicamata matapos ang follow-up operation.
- Latest
- Trending