KIDAPAWAN CITY, Philippines – Rehas na bakal ang binagskan ng isang 32-anyos na ama na sinasabing humalay sa kanyang tatlong anak na babae makaraang maaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Kidapawan City, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Nanguna sa pag-aresto sa suspek ang hepe ng CIDG na si P/Chief Insp. Bernouly Abalos kasama sina Douglas Castillon, PO2 Orpilla, dalawang civilian agents at si Aida Labina, psychologist at staff ng City Social Welfare and Development Office.
Sadyang hindi ibinigay ng DSWD ang tunay na pagkakilanlan sa suspek para protektahan ang kanyang mga anak na babae na pawang menor-de-edad
Lumilitaw na sinimulang halayin ng suspek ang kanyang mga anak noong 2006
Dahil hindi na matiis ang kahalayan ng ama, ay nagsumbong sa kanyang maestro ang panganay na anak hanggang sa maipagbigay-alam sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Nasa custody ngayon ng CIDG Cotabato ang suspek kung saan nahaharap sa kasong multiple rape.