SOLANO, Nueva Vizcaya , Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa limang pulis kabilang na ang kanilang hepe makaraang masabugan ng landmine at ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army sa bahagi ang Barangay Iluru Sur sa bayan ng Rizal, Cagayan, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na ipinarating kay P/Chief Supt. Francisco Jose Villaroman, Cagayan Valley regional police director, nakilala ang mga napaslang na sina P/Inspector Antonio Rueco, 42, hepe ng Rizal PNP; misis nitong si SPO2 Mary Ann Rueco, tubong Samar, kapwa nakatira sa Alcala, Cagayan; kapatid na si PO2 Herminio Rueco at dalawang tauhan na sina PO2 Jose Baquiran at PO1 Joven Jimenez.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pabalik na sa presinto ang mga biktimang lulan ng service vehicle nang masabugan ng landlime na itinanim ng mga rebelde.
Matapos sumabog ang landmine ay agad niratrat ng mga rebelde ang patrol car kung saan nasa loob ang mga biktima.
Samantala, kinilala naman ang dalawa pang sugatang pulis na sina PO1 Valiant Bustamante at SPO4 Edison Lagua na naunang ibinalitang nawawala.
Kinilala naman ni Col. Loreto Magundayao, hepe ng 5thInfantry Division ang mga rebeldeng sangkot sa pananambang sa mga biktima na kasapi ng Danilo Ben Command na pinangungunahan ni David Rosa Soriano.