ZAMBOANGA CITY, Philippines – Pinaniniwalaang nagpakamatay ang isang 48-anyos na misis makaraang lumundag mula sa ferry boat na naglalayag sa karagatang sakop ng Isabela City, Basilan noong Martes ng umaga. Kinilala ni Capt. Perfect Eden, Kumander ng Coast Guard ang nasawi na si Evangeline Pamaran Segara ng La Piedad sa nabanggit na lungsod. Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na paalis na ang M/V Estrella del Mar mula sa daungan sa Isabela City at Malamawi Island nang biglang lumundag ang pasaherong biktima. Napilitan namang bumalik ang ferry boat sa pantalan para magsagawa ng search and rescue operation. Narekober naman ng rescue team ng ferry ang biktima at naisugod sa ospital subalit idineklarang patay dahil sa pagkalunod. Nabatid sa ilang testigo na tumayo ang biktima sa barandilya ng barko saka lumundag sa dagat. Pinayuhan naman ng mga awtoridad ang kapitan ng barko na magsumite ng spot report para makapaglayag.