4 holdaper tumba sa pulis
SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija, Philippines – Nagwakas ang pagiging notoryus holdaper ng apat na kalalakihan makaraang mapatay sa pakikipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na checkpoint sa Barangay Bical, Science City of Muñoz sa Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Jonathan Cabal, officer-in-charge ng Muñoz PNP, ang tatlo sa apat na napatay na sina Alberto Quintog y Junio, 62, ng Barangay Del Pilar Extension, Cabanatuan City; Ricardo Cutang y Bayunas, 39; at si Rolando Rotol y Tobo, 46, kapwa nakatira sa Jimenes St., Kapitan Pepe Subdivision, Cabanatuan City.
Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa na namatay habang isinusugod sa health center.
Nabatid na miyembro ng Amihan Robbery Group ang apat na sinasabing may modus-operandi sa mga bayang sakop ng Nueva Ecija at karatig lalawigan.
Lumilitaw na lulan ng traysikel ang apat na patungo sana sa pinupuntiryang holdapin nang parahin ng mga operatiba ng pulisya pagsapit sa inilatag na checkpoint.
Imbes na huminto ang traysikel ay pinaputukan pa ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint kaya naman gumanti ng putok ang mga alagad ng batas kung saan humantong sa shootout.
Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa apat na kalalakihang armado ng baril na lulan ng traysikel na patungong Barangay Bical.
Dito na naglatag ng checkpoint ang pulisya kung saan nasabat ang apat.
Narekober sa crime scene ang apat na baril, granada, dalawang rolyo ng duck tape, nylon rope, rolyo ng plastic straw at ang traysikel na ginamit ng apat.
- Latest
- Trending