6,000 board ft na kahoy, nasamsam
DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya, Philippines — Tinatayang aabot sa 6,000 board feet na kahoy na sinasabing walang kaukulang papeles ang nakumpiska ng mga operatiba ng pulisya at Department of Environment and Natural Resources sa isinagawang operasyon sa Barangay Lamo ng bayan ng Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya kamakalawa.
Subalit sa inisyal na ulat ng pulisya, umaabot lamang sa 4,000 board feet ng mga assorted red lauan at taguili ang narekober noong Miyerkules mula sa Izusu Forward na may plakang XPL154 na minamaneho ni Mario Calicdan, 51, ng Diffun, Quirino. Hindi naman maipaliwanag ng mga awtoridad ang nawawalang 2,000 board feet.
Labis naman ang pangamba ng mga awtoridad na may magaganap na kababalaghan matapos makatanggap ng impormasyon na ang may-ari ng mga nakumpiskang kahoy ay sinasabing may malakas na koneksyon sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon sa source ng PSNgayon, nasaksihan nila ang pagka-arogante ng may-ari ng mga illegal na kahoy nang makaharap ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan kung saan hindi man lamang marunong magbigay-galang sa namumuno at opisyal na kanyang kaharap.
"Sa impormasyon namin ay kaya niyang magbigay ng malaking halaga upang mabawi lang ang nakumpiskang mga kahoy, may malaking personalidad sa likuran nito kaya ganun na lamang ang asal kung umasta" dagdag ng source.
Kinumpirma din ng source na isang alyas Agnes din ang nagmamay-ari sa milyun-mulyong halaga ng mine tailings na nakumpiska rin ng pulisya sa Nueva Vizcaya noong 2010.
Sinabi naman ni Marcelo Bumidang, CENR Officer na nakatakdang dinggin sa korte sa Huwebes (20 Jan) ang kaso laban sa nakumpiskang mga kahoy kaya imposibleng mailalabas pa ng may-ari ang kontrabando.
- Latest
- Trending