BULACAN, Philippines – Isa sa pangunahing suspek sa pagpatay sa utol ng vice mayor sa bayan ng Bocaue, Bulacan may sampung buwan na ang nakalipas ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Camarines Norte kahapon.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Renato Francisco ng Malolos City Regional Trial Court Branch 19 ay nakorner ng mga tauhan ni P/Supt.Elvis Diaz ang suspek na si Renato Eugenio, 42, sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Base sa record, pinasok ng grupo ni Eugenio ang bahay ni Christopher Santiago 35, nakakatandang kapatid ni Vice Mayor Jose Santiago sa Violeta Subd., Brgy.Biñang 2nd noong madaling-araw ng Marso 28, 2010.
Maging ang misis ni Christopher na si Sherry ay iginapos kasama ang kanyang dalawang anak ngunit nakawala ang una saka nagtago sa loob ng palikuran.
Sinundan ng mga suspek si Christopher saka isinagawa ang pamamaslang at tinangay ang mahahalagang alahas at cash.
Nakakulong na sa Bulacan Provincial Jail ang sinasabing utak ng krimen na si Wilson Nicdao habang tugis naman ang dalawang iba pang suspek na sina Jhobelle Manansala Romobio at Godofredo Maningas alyas Boyong ng Brgy. Panginay, Balagtas, Bulacan.