BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Bumagsak sa kamay ng batas ang ikaanim na suspek sa pagpatay sa mag-asawang Tsinoy at isa pa sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Santiago City, Isabela.
Ayon kay P/Senior Supt. Severino Abad, city police director, kinilala ang suspek na si Michael Miranda na itinuturong may kinalaman din sa brutal na pagpatay sa mag-asawang Lucio Pua, 38; Rosemarie Pua, 39; at si Gemma Eugenio, 44, ahente ng palay.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bonifacio Ong ng Echague Regional Trial Court ay dinakip si Miranda sa kasong 3-counts of kidnapping with ransom kaugnay sa kidnap-slay sa mga biktima noong September 2010.
“Miranda, however, was eventually temporarily released from jail upon filling P300,000 bail bond last Monday (10 Jan),” pahayag ni Abad.
Matatandaan na huling namataang buhay ang mag-asawang Pua at ang kanilang ahente sa tahanan ng pamilya Dimal, isang rice at palay buyer ng Echague, Isabela noong Sept. 6 upang maningil sana ng P1.3 milyon bilang kabayaran sa mga naunang na-ideliver na palay kay Dimal.
Subalit nalaman na lamang ang sinapit ng tatlong biktima matapos kusang lumantad ang isa sa mga suspek na si Eduardo Sapipi na nagsabing ang kanilang amo na si Jaylord Dimal ang utak sa pagpaslang sa tatlo.
Maliban kina, Miranda, Dimal at Sapipi ay nakilala rin ang ibang suspek na sina Allan Castillo, Arvin Guirao at Robert Baccay na pawang pansamantalang nakalaya.