Liason officer ni Pacman binaril

MANILA, Philippines - Binaril ng dalawang hindi pa nakilalang motorcycle riding in tandem ang liason officer ni world boxing champion at Sarangani Congressman Manny "Pacman " Pacquiao, ayon sa ulat kahapon.

Isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City ang biktimang kinilalang si Wahid Diaman Bualan, 47-anyos.

Batay sa ulat ni South Cotabato Provincial Director Sr. Supt. Nilo Wong, naganap ang insidente sa harapan ng Department of Environment and Natural Resources Regional Office na matatagpuan sa Aurora St., Brgy. Zone 4, Koronadal City, South Cotabato  dakong alas-5:35 ng hapon may dalawang araw na ang nakalilipas.

Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng pulang Honda XRM motorcycle ang dalawang suspek na bumaril sa tauhan ng kongresista na nagkataong nakatayo sa lugar at  nahagip  ito ng tama ng bala sa kanyang ka­nang ba­likat. Ang mga suspek ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Isang basyo ng bala ng cal. 45 pistol ang narekober ng mga nagrespondeng awtoridad sa pinangyarihan ng insidente. Kasalukuyang sinisilip ang anggulo ng pulitika sa kaso.

Show comments