Paskong suicide: Binata nagbigti
SAN JOSE CITY, Nueva Ecija, Philippines – Malungkot na ipinagdiriwang ng pamilya Fabros ang araw ng Pasko makaraang magpakamatay ang 21-anyos na binata nilang miyembro sa kuwarto ng kanilang bahay sa may Zone 2, Brgy. Dizol, dito noong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay P/Supt. Sidney Villaflor, hepe ng pulisya rito, ang biktima na nakilalang si Bryan Fabros ay natagpuan ng kanyang ama na si Desiderio na nakabitin at wala nang buhay sa biga ng kuwarto nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid kay Mang Desiderio na bago ang insidente ay nakipag-inuman pa ang kanyang anak sa tatlo nitong kabarkadang sina Bernabe Sarenas, Mike Angelo Noqui at Jerome Bermudez, pawang mga nakatira sa nasabing lugar.
Sa nasabing inuman ay dumating ang nobya ng nasawi at dito ay nagkaroon ng matinding pagtatalo ang dalawa. Dakong alas-4 ng hapon ay natapos ang kanilang inuman at inihatid pa umano ng tatlo ang biktima sa kanyang kuwarto upang magpahinga na ito.
Sinabi pa ng tatay ng nasawi na pagbalik niya sa bahay upang magluto ay kinatok niya ang kuwarto ng anak upang tanungin ito kung kakain na pero hindi na ito sumagot.
Kaya dito ay puwersahan nang binuksan ni Mang Desiderio ang pinto at doon tumambad sa kanya ang nagbigting anak.
Naniniwala si Mang Desiderio na walang foul play sa pagkamatay ng anak at tumanggi na itong isailalim sa autopsy ang bangkay ng anak. Naniniwala naman ang awtoridad na masyadong sineryoso ng biktima ang pakikipagtalo nito sa girlfriend kaya nagkaroon ng matinding depresyon na nagresulta sa insidente.
- Latest
- Trending