Misis kinatay ng selosong mister

MANILA, Philippines – Labingpitong (17) tama ng saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ng isang 23 anyos na Misis makaraan itong burdahan ng saksak ng kaniyang selosong live-in partner sa Sagay City, Negros Occidental ka­makalawa.

Sa phone interview, kinilala ni P02 Jingle de la Paz ng Sagay City Police, may hawak ng kaso ang biktima na si Giselle Villanueva  habang pinaghahanap naman ang suspek na tinukoy lamang sa pangalang Dondon Tuling.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa tahanan ng mag-live-in partner sa Brgy. Barera sa nasabing lungsod bandang alas-5:30 ng hapon.

Nagseselos umano ang nasabing lalaki kay Villanueva dahilan balak na itong kunin ng kaniyang pamilya na nakatira sa Switzerland. Ang mga ito ay may isang anak na may edad na 2-anyos.

Kasalukuyan umanong may kausap sa cellphone ang biktima ng magalit ang nasabing lalaki sa matinding selos sa pag-aakalang papalitan na siya ng ibang lalaki lalo na sa dayuhang Swiss national kapag iniwan siya nito at nagtungo sa Switzerland.

Sa gitna ng pagtatalo ng dalawa ay kumuha ng patalim ang nasabing lalaki at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang nasabing ginang na agarang nasawi sa mala­gim na insidente.

Nabatid na matagal na umanong nagseselos ang nasabing lalaki sa kaniyang live-in partner kaya palagi ang mga itong nag-aaway.Isinasailalim pa sa masu­sing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments