MANILA, Philippines - Nailigtas ng mga operatiba ng pulisya ang isang 21-anyos na estudyante na dinukot ng mga bandidong grupo ng Abu Sayyaf sa isinagawang rescue operation sa bayan ng Patikul, Sulu kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasagip na si Kenn Klefford Lao, estudyante sa Notre Dame of Jolo College. Bandang alas- 8:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon ng mga elemento ng pulis-Patikul, 1st Provincial Safety Management Platoon at Sulu Provincial Police Office sa pamumuno ni P/Senior Inspector Shepard Reyes sa Barangay. Langhob malapit sa hangganan ng Brgy. Adjid, Indanan, Sulu.
Lumilitaw na ipinaabot ng ilang concerned citizen sa pulisya ang presensya ng mga armadong kalalakihan tangay ang biktima sa nabanggit na lugar.
Agad namang isinagawa ang search and rescue operations bunsod upang abandonahin ng mga kidnaper ang biktima sa takot na maabutan ng mga alagad ng batas.
Namataan ang biktima habang tumatakbo palayo sa kaniyang mga kidnaper. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang iba’t ibang kagamitan, pagkain tulad ng bigas at iba pa.
Isinailalim na ang biktima sa medical checkup bago ito iturn-over sa kaniyang pamilya. Base sa record, kinidnap ang biktima noong Oktubre 7 sa kapitolyo ng Jolo, Sulu.