MANILA, Philippines - Pinaslang at inilibing na ng mga kidnapper ang misis ng isang Pastor na dinukot kasama ng apo nito sa Zamboanga del Sur noong Oktubre matapos mabigo ang pamilya nito na magbayad ng P30 M ransom, ayon sa ulat kahapon. Sa phone interview, kinumpirma ni Sr. Inspector Usman Edding na ang bangkay ng biktimang si Nenia Gomonit, 53-anyos, ang narekober sa Brgy.Kirapan, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte noong Miyerkules. Ayon kay Edding, nag-match sa dental record ng ginang na Misis ng isang Pastor na nakabase sa Pagadian City sa narekober na bangkay na halos hindi na makilala dahilan nagsisimula ng maagnas kaya isinailalim pa ito sa pagsusuri. Ang ginang ay dinukot ng mga kidnaper kasama ang 10 anyos na batang apo nitong si Ceekim noong Oktubre 30 sa Brgy. San Jose, Pagadian City kung saan ang mga ito ay itinago ng mga kidnaper sa Sultan Naga Dimaporo. Nauna nang nagbanta ang mga kidnaper na papatayin ang maglola kapag nabigong magbayad ng ransom.