15 sundalo sugatan sa road mishap
MANILA, Philippines - Labinlimang sundalo ang nasugatan kabilang ang apat na nasa kritikal na kondisyon makaraang bumaligtad ang sinasakyang military truck sa Brgy. San Jose, Lictin sa Catanduanes kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga sundalong nasa kritikal na kondisyon na sina Pfc. Jay Batanes, Private Kenneth Olivenza, Private Jerome Tongga at Pvt. Alex Brotamante na naisugod sa ospital sa bayan ng Virac.
Bahagya lamang na nasugatan ay sina Private Kristian Visaya, Pvt. Anthony Moico, Pvt. George Norvin Nacion, Pvt. Rexon Acueza, Pvt. Jaypee Bolival, Pvt. Ariel Fornoles, Pvt. Marlon Ladio, Pvt. Sonny Añonuevo, Pvt. Jomar Raña, Pvt. Emmel Dolor, Pvt. Jose San Gabriel Jr., Pvt. Alex Mota, Pvt. Elmer Gayo, Pvt. Mark Ariel Sanchez, Pvt. Paulo Felices at si Pvt. Junrick C. Estelloso.
Ayon kay Lt. Col. Danilo Aquino, kumander ng Army’s 83rd Infantry Battalion, kagagaling lamang sa security operation sa kapitolyo ng Virac ang mga biktima kaugnay ng selebrasyon ng International Human Rights Day.
Lumilitaw na pabalik na sa kampo sa bayan ng San Andres ang mga biktima nang mawalan ng preno ang truck sa makipot na daan sa Brgy. San Jose.
- Latest
- Trending