P1-M kargamentong hinaydyak narekomer
BULACAN, Philippines — Aabot sa P1 milyong kargamento na hinaydyak ang narekober ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa isinagawang follow-up operation sa Brgy. Sta. Rosa II sa bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na nakarating kay Provincial Director P/Senior Supt. Fernando Villanueva, Bulacan police director, narekober ang 22 yunit ng refrigerator, washing machine 2 aircon at 27 yunit ng Ultra Slim television habang inaalam ang kinalalagyan ng nalalabing piraso ng mga home appliances na kabilang sa hinaydyak.
Kasalukuyang isinailalim sa tactical interrogation ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Marlon Santos ng CIDG-Bulacan ang suspek na si Reynaldo Florida, 50, na sinasabing kasangkot at kontak ng mga haydyaker.
Nauna nang hinaydyak ang 10-wheeler truck (RAB-516) na pag-aari ng Ximex Delivery Express sa bahagi ng Parañaque City noong Disyembre 6 kung saan narekober naman sa bahay ni Florida.
Nabatid na inabandona ng mga suspek ang drayer ng truck na si Julie Suñas kasama ang dalawang pahinante sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Brgy. Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan.
- Latest
- Trending