SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Umaabot sa libong residente ang ginutom sa inaasahang bonggang selebrasyon ng mini-hydro sa Barangay Commonal sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya kahapon ng tanghali.
Walang natikmang anumang makakain ang mga residente na nagmula pa sa iba’t ibang Sitio na naglakbay pa ng ilang oras sa maputik na daanan upang makibahagi at saksihan sana ang pagpapasinaya sa $4 milyong halaga ng mini-hydro na pag-aari ng Smith Bell Mini Hydro Corporation.
Ayon kay Barangay Kagawad Nestor Paje, inaasahan ng mga residente ang malaking handaan bilang pasasalamat sana ng mga namamahala ng korporasyon sa pagbubukas ng kanilang proyekto.
“Nakalimutan yata nila na ang lugar na ito ay pawang katutubong Ifugao na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng kabundukan para lamang suportahan ang proyekto, bilang opisyal ng barangay, hindi namin kayang makita silang gutom habang naglalakad ng ilang oras pauwi,” pahayag ni Paje.
Agad naman na humingi ng paumanhin si Barangay Chairman Rogelio Igua sa mga gutom na kabarangay habang pinapanood ang mga pangunahing bisita at tauhan ng SBMHC na nananghalian.
“Lubos akong humihingi ng pang-unawa sa inyo, hindi namin inakala na ganito ang mangyayari, kasi noong magkaroon kami ng pagpupulong sinabi nila na sila na raw ang bahalang maghanda kaya naman umasa kami na may ihahain para sa ating lahat. Bilang ama ng barangay, ako man ay hindi kakain dahil sa hindi ko malunok ang pagkaing isusubo habang kayo ay nakatingin,” pahayag ng kapitan gamit ang mikropono habang kumakain ang mga bisita.