Bus bumangga sa puno: 4 utas

MANILA, Philippines –  Apat  katao ang kumpirmadong  nasawi makaraang aksidenteng sumalpok ang isang pampasaherong bus sa  puno ng acacia sa tabi ng highway sa bayan ng Matnog, Sorsogon nitong Biyernes ng madaling-araw. Ayon kay Police Regional Office (PRO) V Director Chief Supt. Cecilio Calleja, tatlo sa mga biktima ay pawang dead-on-the-spot sa insidente na ki­nilalang sina Mylene Caldoza, 22 ng Jaro, Leyte; Julito Bo­racho, 42  ng Caloocan City at isang tinatayang 7-anyos na batang lalaki na 'di natukoy ang pangalan na hinihinalang anak ni Boracho. Ang isa pang biktima na si Jonalyn Maravillas ng Calbayog City, Samar ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. Patuloy namang ginagamot ang mga sugatang biktima. Sinabi ni Calleja, bandang alas-12:05 ng madaling-araw ng mangyari ang sakuna sa KM 640, Maharlika Highway , Brgy. Bolo, Matnog ng lalawigang ito. Nabatid na masyadong  mabilis ang takbo ng PP busline na may plakang NOE- 834 kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nitong si  Juvert Mondia bunsod upang sumalpok sa puno ang behikulo. Nabatid na ang bus na nakarehistro sa pangalan ni Felipe Pilapil ay galing sa Metro Manila  at patungong Ormoc City, Leyte  nang maganap ang aksidente. Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng bus na si Mondia na  nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide.

Show comments