2 suspek sa murder tiklo

BULACAN, Philippines – Dalawa sa siyam na suspek sa pagpatay sa isang security guard ng kompanya ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Pantok sa Meycauayan City, Bulacan kahapon.

Pormal naman kinasuhan ng pulisya sina Armando Misperos, 35, traysikel drayber, ng Brgy.Pantoc at Julio Mercado, 30, ng Brgy. Bayugo. Narekober din ang 432 bag expandable polystyrene sa bodega na pag-aari ni Liza Ang ng Span Ying Plastic Industries sa Masipag Street, Barangay Vente Reales, Valenzuela City.

Nabatid na nilooban ng grupo ng suspek ang Styrolite Manufacturing Corp. sa Brgy. Pantok, Meycauayan City saka pinatay ang security guard na si Arlon Amaca ng Brgy. Iba noong Biyernes ng umaga (Nob. 26).

Ayon kay P/Supt. Noli Pacheco, inginuso ni Mercado ang pinagdalhan sa ninakaw na kargamento  at maging ang bahay ni Misperos. Patuloy naman pinaghahanap ng pulisya ang iba pang suspek na pansamantalang hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan.

Show comments