BULACAN, Philippines — Limang kalalakihan na napatunayan ng mababang korte na responsable sa pagkidnap sa tatlong sibilyan noong September 1, 2001 ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Sa 15-pahinang desisyon ni Judge Basilio Gabo Jr. ng Malolos City Regional Trial Court Branch 11, bukod sa habambuhayna pagkakulong ay pinagbabayad din ng P2.5 milyong danyos perwisyo ang mga akusadong sina Antonino Adriano,Wifredo Flores, Reynaldo Villesis, Gerardo Bautista, at si Nilo Solis na pawang nakatira sa bayan ng San Rafael, Bulacan.
Pinawalang sala naman si Gary Bautista dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Base sa record ng korte, dinukot ng mga akusado sina Jessica Co-Ang, kapatid nitong si Jansen Co at trabahador na si Eusebio Cawili habang lulan ng Toyota Revo noong Setyembre 1, 2001 ng gabi sa bahagi ng Sitio Gitna, Novaliches, Quezon City saka dinala sa safe house sa Brgy. Sto. Cristo, Candaba, Pampanga.
Nabatid sa record na humihingi ng ransom ang mga akusado ng P10 milyon kung saan bumaba sa P2.5 milyon para mapalaya ang tatlo.
Dahil sa testimonya ng isa sa suspek na si Alvin Tura na ginawang state witness ay nasakote ng mga awtoridad ang mga suspek sa iba’t ibang lugar sa bayan ng San Rafael, Bulacan.
Hindi naman pinaniwalaan ng hukuman ang alibi ng lima bagkus binigyang timbang ang testimonya ng mga biktima.