CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Napaslang ang isang 29-anyos na misis matapos barilin ng ‘di-pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang lango sa bawal na droga saka inabandona sa liblib na bahagi ng Zone 1 sa Barangay Sagrada Familia sa bayan ng Minalabac, Camarines Sur kahapon ng umaga. Napuruhan sa ulo si Maricel Bartolome, kawani ng West Park Mocha Blends at nakatira sa Barangay Abella, Naga City. Nabatid na nag-text pa ang biktima sa kanyang mister na si Aaron habang papauwi mula sa trabaho. Kaagad naman humingi ng tulong sa pulisya si Aaron makaraang hindi na makauwi at makontak sa cell phone ang kanyang misis kinabukasan. Gayon pa man, natagpuan na lamang ang bangkay ng biktima sa nabanggit na lugar.