BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang paninigarilyo matapos umpisahang ipatupad kahapon ang paghuli sa mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Governor Luisa Lloren Cuaresma, wala umanong sini-sino ang ‘Smoke Free Nueva Vizcaya Ordinance‘ kung saan maging gobernador o bise-gobernador ay maaring hulihin ng mga task force na inatasang manghuli sa sinumang lalabag sa bagong ordinansa.
“Ang Smoke Free Ordinance ng Nueva Vizcaya ang kauna-unahang Ordinansa sa buong Pilipinas na magpapatupad ng pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, kung kaya’t walang exempted sa batas na ito,” pahayag ni Cuaresma.
Ang nasabing Task Force ay binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, academe, religious sector at ang pambansang pulisya sa pangunguna ni P/Sr. Supt. Elmer Beltejar, Police provincial director ng lalawigang ito.
Nauna rito ay ibinunyag ni three term Board Member Edu Balgos na siyang may-akda sa nasabing ordinansa, ang pag-angal ng isang sikat na kumpanya ng sigarilyo nang malaman ang ordinasang ipinasa sa lalawigan.
Ang sinuman na mahuli na naninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay pagmumultahin ng halagang P1,500 sa unang pagkakataon, P2,500 sa ikalawang pagka-huli at P5,000 na may kasamang pagkakulong para naman sa ikatlong paglabag.