P7-M cocaine nasamsam sa buy-bust

ILOILO CITY, Philippines — Kalaboso ang binagsakan ng isang mister na ex-shabu pusher makaraang makumpiskahan ng P7-mil­yong halaga ng high-grade cocaine sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Miag-ao, Iloilo kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Regional Director Paul Ledesma, ang nasamsam na cocaine sa suspek na si Carlito S. Buen ay pina­ni­niwalaang bahagi ng droga na ibinagsak ng drug syndicate sa karagatan ng Samar dahil sa magkahalintulad na pakete sa mga naunang nasabat.

Nabatid na si Buen na hindi naman kasama sa high-profile drug perso­nality ay nasa talaan ng PDEA na nagpapakalat ng methampetamine hydrochloride (shabu), subalit nahinto sa hindi nabatid na dahilan.

Hindi naman pinaniwalaan ng PDEA ang alibi ni Buen na ang cocaine ay nagmula sa Metro Manila.

Lumilitaw na minomo­nitor ng PDEA ang kilos ni Buen sa loob ng isang buwan matapos maaresto ang isang drug pusher na nagmula sa compound ng pamilya Buen sa Ba­rangay Maninila.

Dito na inilatag ang buy-bust operation kung saan naaresto si Buen sa loob ng kanyang tahanan matapos tumanggap ng mark money sa isang ta­uhan ng PDEA na nagpanggap na poseur-buyer

Nadiskubre ang cocaine at iba pang mater­yales ng bawal na droga sa ilalim ng kama ni Buen. Dagdag ulat ni Joy Cantos

Show comments