Bodyguard ng judge itinumba
BANGUED, Abra, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang personal bodyguard ng judge ng maskaradong lalaki noong Martes ng gabi sa bisinidad ng Barangay Sta. Rosa sa bayan ng Bangued, Abra.
Walong bala ng M16 Armalite rifle ang tumapos sa buhay ni Efren “Appeng” Aquino, 40, personal aide ni Judge Corpus Cristi Alzale ng Abra Regional Trial Court Branch 2.
Nabatid na nakikipag-inuman si Aquino sa kanyang kabarangay bandang alas-8 ng gabi nang lapitan at ratratin.
Ayon kay Abra police director Senior Supt. Armando Laguiwid, noong Abril 7, 2010 niransak ang sala ni Judge Alzate kung saan nilimas ang mga baril na gagamitin sana bilang ebidensya sa mga kasong kriminal.
Ang pamamaslang sa personal aide ni Judge Alzate ay pinakahuli sa maraming biktima ng krimen sa tinaguriang killing field ng Cordillera kung saan noong nakalipas na linggo ay binaril at napatay din ang barangay chairman ng Lagangilang sa Bangued.
Isang araw bago ang barangay at Sangguniang Kabataan elections, isa ring konsehal sa San Isidro ang napaslang ng mga ‘di-kilalang lalaki na sinasabing iniuugnay kay Mayor Zaldy Pacsa, na ngayon ay nahaharap sa kasong murder.
- Latest
- Trending















