Ama, 2 anak dedo sa kuryente
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa mag-aama matapos makuryente sa bisinidad ng Barangay Sapping sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang tatlong nasawi na sina Antonio Saring, 51; Elton Saring, 27; at si Apolinario Saring, 23, pawang nakatira sa Barangay Sapping.
Bandang alas-5:30 ng umaga nang makuryente ang mag-aama sa dropwire ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO 2) mula sa poste ng kuryente na malapit sa bahay ng isang nagngangalang Eddie Pilapil.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na lalagyan sana ni Antonio ng electrical tape ang nakalaylay na kawad ng kuryente mula sa poste ng Cagayan Electric Cooperative nang mahawakan nito ang talop na linya kuryente.
Dahil sa nakatapak pa sa mabasang kalsada ay kaagad itong nagkikisay kung saan dinaluhan naman ng dalawang anak sa pagtatangkang iligtas ang kanilang ama.
Ayon kay SPO2 Roberto Alario, may hawak sa kaso, sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na ospital ang, mag-aama subalit idineklarang patay.
Matatandaan na winasak ng super typhoon Juan ang Isabela at Cagayan na nagresulta upang masira at matumba ang karamihang poste ng kuryente sa dalawang lalawigan na sinundan pa ng malawakang pagbaha.
- Latest
- Trending
















