MANILA, Philippines - Napaslang ang isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) habang nasa kritikal na kondisyon naman ang isang opisyal ng Philippine Army matapos ang engkuwentro sa pagitan ng magkabilang puwersa sa lalawigan ng Masbate kahapon ng umaga.
Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, dakong alas-6 ng umaga ng makasagupa ng tropa ng mga sundalo ang grupo ng mga rebelde sa bisinidad ng Sitio Hanlas, Brgy. Pina, San Fernando, Masbate.
Sinabi ng opisyal na nagsagawa ng combat strike operation ang mga tauhan ng 9th IB at 93rd Reconnaisance Company ng nakasagupa ang naturang mga rebelde.
Isang hindi pa nakikilalang NPA ang napaslang sa mahigit 20 minutong sagupaan bago nauwi ito sa isang running gun battle na malubha namang ikinasugat ni 1st Lt. Michael Morales, lider ng team mula sa 9th IB na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan. Patuloy ang hot pursuit operations sa may 20 rebelde.
Nabawi rin sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang M-16 armalite rifle at isang cal. 45 pistol. Ed Casulla/ Joy Cantos )