MANILA, Philippines - Isa na namang re-elected barangay chairman ang iniulat na napaslang makaraang barilin sa bayan ng El Salvador, Misamis Oriental noong Martes ng gabi.
Napuruhan sa ulo si Chairman Rey Dadang, 51, ng Brgy. Hinigdan-an. Si Dadang ay pinaslang may ilang metro lamang ang layo sa kanyang tahanan dakong alas-7 ng gabi.
May teorya ang mga kaanak ng biktima na pulitika ang motibo ng pamamaslang kaugnay ng pagkakahalal muli ni Dadang sa nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections noong Oktubre 25. Magugunita na isa ring re-elected na barangay chairman ang itinumba sa sementeryo noong All Saints’ Day ng gabi sa bayan ng Aroroy, Masbate.