Re-elected chairman itinumba sa sementeryo
MANILA, Philippines - Hindi na iginalang ang paggunita ng All Saints’ Day ng dalawang armadong lalaki matapos na pagbabarilin hanggang mapatay ang re-elected barangay chairman sa pampublikong sementeryo sa bayan ng Aroroy, Masbate noong Lunes ng gabi.
Halos magkabutas-butas ang katawan ni Chairman Vicente Lacbayug ng Barangay Dayhagan ng nasabing bayan.
Lumilitaw na bandang alas-6:30 ng gabi nang bisitahin ni Lacbayug ang puntod ng kaniyang mga mahal sa buhay sa Aroroy public cemetery sa Sitio Mahaba, Brgy. Dayhagan.
Dito na nilapitan at ratratin ng mga armadong lalaki ang biktima kung saan nagawa pang isugod sa ospital pero idineklarang patay.
Napag-alamang bago ganapin ang barangay at SK elections noong Oktubre 25 ay nakatanggap na ng pagbabanta ang biktima mula sa mga rebeldeng New People’s Army.
Nabatid din na hinaras din ng mga rebelde ang biktima na puwersahang pinalagda sa petisyon laban sa operasyon ng Filminera Mining Firm sa kanilang barangay.
Nabatid na nagtago ang biktima bunga ng mga pagbabanta subalit nang dumalaw ito sa sementeryo ay natiyempuhang makasalubong si kamatayan.
- Latest
- Trending