Bayan na walang punerarya
GAMU, Isabela, Philippines – Sa kabila ng kawalan ng kahit isang punerarya, hindi nababahala ang mga residente sa bayan ng Gamu, Isabela bagkus ay panatag ang kanilang kalooban para sa kanilang yumaong mahal sa buhay kung serbisyo ang pinag-uusapan.
Ito ay matapos na akuin lahat ng lokal na pamahalaan ang anumang gastusin ng namatayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kumpletong serbisyo.
Ayon kay Mayor Fernando “Ando” Cumigad, ang matagal na programang ito sa kanilang bayan ang nakikitang dahilan kung bakit walang kahit isang negosyanteng sumubok na magtayo ng funeral business sa kanyang nasasakupang bayan.
“Simula noon, wala nang nangahas na magtayo ng funeral parlor bilang negosyo sa bayang ito, dahil ang mismong munisipyo ang nagbibigay lahat ng serbisyo para sa namatayan,” paliwanang ni Mayor Cumigad.
Mula sa pag-embalsamo, gastusin sa lamayan, simbahan at pagpapalibing ay sagot lahat ng munisipyo bilang programa para sa mga residente.
“Dito kadalasan nangangailangan ang residente, sa oras ng kanyang pagdadalamhati dahil sa pagkawala ng mahal sa buhay ay mas higit na pakikiramay ang kailangan, dahil dito naisip ng lokal na pamahalaan na itatag ang ganitong serbisyo para sa mga residente,” dagdag pa ni Cumigad.
Ang Gamu, Isabela na isa sa pinakamalaking bayan kung saan nakabase ang 5th Infantry Division ng Philippine Army ay sagana sa iba’t ibang uri ng kalakalan at negosyong pagkakitaan maliban lamang sa funeral parlor.
- Latest
- Trending