MANILA, Philippines - Isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang posibleng anggulo ng foul play hinggil sa pagkamatay ng isang graduating student ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), sa lalawigan ng Laguna na natagpuang bangkay sa kaniyang apartment noong Huwebes ng hapon. Ang hakbang ay bunga na rin ng pagdududa ng pamilya ng biktimang kinilalang si Regina Marikit de Vera, 21-anyos, senior student ng College of Forestry sa nasabing unibersidad na nagpakamatay ito.
Base sa imbestigasyon ng Laguna Police, dakong alas-11:30 ng tanghali ng madiskubre ang bangkay ni de Vera sa loob ng kaniyang inuupahang apartment sa Umali Subdivision, Brgy. Batong Malake sa bayan ng Los Baños.
Ang biktima ay nadiskubreng nakatali ng sinturon sa bakal na hanger na nakatali sa pintuan ng kaniyang kuwarto.
Sa kabila nito ay may mga ulat rin na may aralin umano ang biktima na ibinagsak nito kaya posibleng maantala ang pagtatapos nito na isa rin sa mga anggulong iniimbestigahan.
Sa pahayag naman ng mga kaibigan ng biktima, wala silang alam na problemang dinadala ng dalaga para humantong ito sa pagpapatiwakal.