Suspek sa Bulacan masaker nakapuga
BULACAN, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at makasuhan ang isang provincial jailguard sa Agusan Del Sur makaraang makatakas ang isa sa apat na suspek sa pagmasaker sa mag-asawang Fil-Am sa San Jose Del Monte City, Bulacan may walong buwan na ang nakalipas.
Naghihimas ng rehas na bakal ang jailguard na si Teodoro Salazar habang tugis naman ng mga operatiba ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Rundy Mandag, 26, ng Sibagat, Agusan Del Sur.
Si Mandag ang isa sa apat na responsable sa pamamaslang sa mag-asawang sina Mariano Angeles 65, retiradong pulis at asawa nitong si Norma Angeles 64, sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Linauan, Brgy. Dulong sa San Jose Del Monte City noong Marso 25, 2010.
Si Norma Angeles ay nakatatandang kapatid ni ex-Norzagaray Mayor Matilde Legaspi ng Bulacan.
Napag-alamang si Mandag na may iba pang kasong kriminal ay nakulong na sa Patin-ay Provincial Jail, bago maaresto nina SPO2 Freddie Ferrer, ex-Mayor Matilde Legaspi at P/Supt. Bruno Viola Jr. bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Teodora R. Gonzales ng Malolos City Regional Trial Court Branch 14.
Nabatid na inihatid kay Prosecutor Felix Mesa ng Agusan Del Norte Prosecutors Office si Mandag para kasuhan kaugnay sa pamamaslang sa mag-asawang Fil-Am.
Nang ihahatid na ni Salazar si Mandag patungong Bulacan lulan ng traysikel nang makatakas ito sa hindi mabatid na dahilan. Boy Cruz
- Latest
- Trending
























