ZAMBALES, Philippines – Ilulunsad ng Subic Bay Integrated Fisheries and Aquatic Resource Management Council (SB-IFARMC), ang proyektong concrete artificial reef sa karagatang sakop ng Zambales, Bataan, at Olongapo City sa Lunes (Oktubre 18).
Pinondohan ng Environmental Guarantee Fund mula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang nabanggit na proyekto para sa mga komunidad na naapektuhan ng mga pag-unlad ng Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay Laureano DS Artagame, chairman ng SB-IFARMC, aabot sa 1,800 yunit ng culvert pyramid-type concrete blocks na bubuo sa 60 modules ang ilulubog sa karagatang sakop ng bayan ng Subic at San Antonio sa Zambales, Morong, Bataan at sa Olongapo City.
Aabot naman sa P2.3 milyong halaga ang proyekto mula sa kabuuang P4-milyon na financial assistance mula sa SBMA para sa mga mangingisda.
Sa pahayag ni SBMA Administrator Armand Arreza, ang financial assistance ay mula sa EGF na nakapaloob sa Environmental Compliance Certificates ng Subic Port project at Hanjin Shipyard project.