MANILA, Philippines - Nalutas na ng pulisya ang brutal na pamumugot sa babaeng call center agent na natagpuan sa motel noong Sabado ng gabi matapos masakote ang isang 30-anyos na lalaki sa isinagawang operasyon sa gasolinahan sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Lunes.
Sa Caltex Gasoline Station sa Dau, Mabalacat, Pampanga naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na si Adonis Reyes ng Fiesta Community at isa ring call center agent sa Sutherland Global Services Phils. Sa Clarkfield.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Alan Purisima, lumilitaw na huling namataang buhay ang babaeng call center agent na si Katrina Gatan na kasama ang suspek bago mag-check-in sa Miyabe Court Hotel sa Brgy. Pulung Maragul, Angeles City noong Sabado ng gabi.
Noong Biyernes pa lamang ay nawawala na si Gatan matapos na makita ang dalawa na pumasok sa nasabing motel.
Positibo namang itinuro ng room boy at supervisor ng motel ang suspek maging ang tricycle boy na sinakyan ni Reyes at ng biktima nang magpahatid sa nabanggit na motel.