MANILA, Philippines – Anim-katao ang kumpirmadong nasawi kabilang ang buntis na misis at sanggol sa sinapupunan nito habang 16 iba pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang pampasaherong jeepney at trailer truck na may kargang softdrinks noong Biyernes ng umaga sa kahabaan ng Bago Aplaya crossing sa Davao City.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Rene Aspera, Davao City PNP director ang mga namatay na sina Nancy Diaz, 44; Evelyn Rafales, 25; Zaldy Larona, 9; Rowena Robles, buntis na ina nitong si Geneveta Robles, at pang-anim ang walong buwang sanggol sa sinapupunan ni Geneveta.
Naisugod naman sa Southern Philippine Medical Center, San Pedro Hospital at Davao Doctors Hospital ang mga nasugatang biktima.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na tinangkang mag-overtake ng jeepney ni Joel Pelone sa unahang sasakyan nang makasalubong nito ang trailer truck ni Martin Ortiz Galleta Jr.
Kasalukuyan naghihimas ng rehas na bakal ang dalawang drayber na nahaharap sa kasong kriminal.