'Tulak' ng droga, itinumba
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang ugat ng pamamaril at pagkakapatay sa isang babaeng hinihinalang ‘tulak’ ng droga ng dalawang hindi pa nakilalang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur kamakalawa.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Rowena Ramos-Pipo, residente ng Brgy. Boquig, Bantay ng lalawigang ito.
Sa report ng Ilocos Sur Police, naganap ang insidente sa kahabaan ng Zone 3 sa nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, kabababa lamang ng biktima sa tricycle sa harapan ng bahay ng kaibigan nito nang bigla itong hinintuan ng dalawang salarin na magkaangkas sa motorsiklo.
Agad na bumunot ng baril ang mga suspect at pinaputukan ang biktima na napuruhan sa dibdib na siya nitong dagliang ikinamatay.
Nabatid na bibisitahin sana ni Pipo ang isa nitong kaibigan sa lugar ng mangyari ang insidente.
Sa tala ng pulisya, si Pipo ay kabilang sa mga personalidad na nasa watchlist ng mga awtoridad kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng bawal na gamot.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
- Latest
- Trending