P6M ari-arian sinunog ng NPA
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Tinatayang aabot sa P6 milyong halaga ng ari-arian ang naabo makaraang salakayin at sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang bodega ng plantasyon ng saging sa bayan ng Tulunan, North Cotabato kamakalawa ng umaga. Ayon kay P/Senior Insp. Ramel Hojilla, hepe ng Tulunan PNP, kabilang sa mga gamit na sinunog ay ang tracktora at canter truck ng Tulunan Agri-Ventures Inc. na pag-aari ng Andres M. Soriano Company. Tinangay din ng mga rebelde ang ilang handheld radio, M16 Armalite rifle, Carbine, walong 12-gauge shotgun. Nabatid na nagpanggap na sundalo ang mga rebelde kaya madaling nakapasok sa nabanggit na plantasyon kung saan iginapos ang mga kawani ng nasabing kompanya. Sinasabing ginantihan lang ng mga rebelde ang pamilya Piñol sa naganap na insidente sa plantasyon. Sa liham na ipinarating ng grupo ng NPA Valentine Palamine Command sa pamilya Pinol, ekta-ektarya lupain ang sinasabing kinamkam ni ex-Cotabato Vice Governor Manny Pinol mula sa mga katutubong B’laan at Moro sa nabanggit na lugar. Gayon pa man, pinabulaanan ni Board Member Soc Pinol ang akusasyon ng mga rebelde.
- Latest
- Trending