BAGUIO CITY, Philippines — Dinala na sa Maynila ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa Tuguegarao City ang isang 30-anyos na ina ng sanggol na inabandona sa basurahan ng eroplano noong Linggo sa isinagawang operasyon sa bayan ng Flora sa Apayao kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Senior Supt. Nestor Bergonia, kusa namang sumama si Alma Daggadan Estrelle ng Barangay Anninipan sa NBI patungong Manila para magpaliwanag sa ginawang pag-abandona sa kanyang anak.
Si Estrelle na sinasabing nanganak habang lulan ng Gulf Air ay nakilala ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport matapos rekisahin ang passenger manifest.
Pinangalanang “George Francis” ang sanggol mula sa flight code GF (Gulf Air), matapos matagpuan ng cleaner ang sanggol na inabandona sa garbage bag sa loob ng eroplano na lumapag mula sa Bahrain noong Linggo ng umaga.
Napag-alaman din na isinulat ni Estrelle ang kanyang pangalan, date of birth at numero ng pasaporte sa immigration arrival card, subalit binakante ang address portion para hindi matunton ang kanyang tirahan.
Ika-80 pasahero si Estrella sa nag-check-in sa flight sa Bahrain kung saan may bakas pa ng dugo ang kan yang upuang 40D.