MANILA, Philippines - Napariwara ang kina bukasan ng isang menor-de-edad na babae na sinasabing sumali sa fraternity matapos itong gahasain ng dalawang miyembro bilang bahagi ng initiation rite sa bayan ng Quezon, Isabela.
Luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya kasama ang mga magulang ng biktimang itinago sa pangalang Lilibeth, 2nd year high school.
Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Helimar Tagacay at Rakmel Valencia na kapwa nakatira sa Barangay Minagbag at mga miyembro ng Samahang llocano Fraternity.
Base sa ulat ng pulisya, sumailalim sa mga pagsubok ang biktima sa isinagawang initiation ng grupo sa bahay ni Louie Rayo noong Sabado (Setyembre 4) mula alas-11 ng gabi hanggang alauna ng madaling-araw.
Lumilitaw na pinapili ang dalagita sa mga uri ng pagsubok kung saan hiniling niya na madaling pagsubok na lamang ang ibigay subalit hindi niya akalain na halinhinang siyang gagahasain ng dalawang suspek.
Sa impormasyong nakarating sa pulisya, piniringan ang mga mata ng dalagita bago isagawa ang maitim na balak ng dalawang manyakis na miyembro ng Samahang Ilocano Frat.
Nabatid na naantala ang paghahain ng reklamo ng biktima sa pulisya dahil nangambang saktan ng mga suspek.
Nabatid na naging tulala ang biktima kaya inusisa ng mga magulang hanggang sa aminin ang masaklap na sinapit sa dalawa.