PAMPANGA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang magtiyuhing trader ng mga armadong lalaki sa naganap na panibagong karahasan sa McArthur Highway sa Barangay Mabiga sa bayan ng Mabalacat, Pampanga noong Linggo.
Lulan ng kotse ang magtiyuhing sina Leonardo “Boy Dagul” Licup at Dolly Licup nang ratratin habang papatawid ng highway sa harapan ng Golden Land Subdivision.
Ayon kay P/Senior Supt. Petronio Retirado, provincial police director, nagkabutas-butas ang kotse ng dalawa bago sumalpok sa punongkahoy.
Tumakas naman ang gunmen lulan ng motorsiklo na walang plaka kung saan nakarekober ang pulisya ng anim na basyo ng bala ng cal. 45 pistola.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na binisita ng magtiyuhin ang pinagagawang gusali sa loob ng nabanggit na subdivision bago makasalubong si kamatayan
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa pagiging quarry operator ni Leonardo ang naganap na krimen.