Chopper nasunog: 7 nakaligtas
MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang dalawang piloto at limang sundalo ng Phil. Army makarang umapoy sa ere ang helicopter ng Philippine Air Force bago mag-crash landing sa bayan ng Sta Lucia, Ilocos Sur noong Biyernes ng hapon. Kabilang sa mga nakaligtas ay ang dalawang piloto na sina Captain John Gador at Lt. Edbert Ngina maging ang dalawang crew ng helicopter at tatlong personnel ng Philippine Army. Sa phone interview, sinabi ni Col. Essel Soriano, commander ng Army’s 503rd Infantry Brigade, naganap ang insidente sa bisinidad ng Brgy. Nagredcan, Sta Lucia. Nagsasagawa ng re-supply mission ang dalawang helicopter ng PAF bilang suporta sa tropa ng Army’s 503rd IB nang umapoy sa ere ang isa sa dalawang chopper. Kaagad naman nag-emergency landing sa palayan kung saan nakatalon naman ang pitong lulan nito habang nilalamon ng apoy ang nasabing helicopter.
- Latest
- Trending