MANILA, Philippines - Apat na armadong rebeldeng New People’s Army ang iniulat na napatay matapos na makasagupa ang tropa ng militar sa bahagi ng Barangay Sta. Maria, sa bayan ng Mobo, Masbate kahapon ng hapon.
Sa ulat ni Lt. Col. Anthony Purugganan, commander ng Army’s 9th Infantry Battalion, dakong alauna ng hapon nang makasagupa ng 93rd Division Reconnaissance Company sa pamumuno ni Pfc. Ramon Magpantay ang mga rebelde. Isa sa mga napaslang ay sinasabing kumander ng NPA na may hawak pang baby Armalite rifle kung saan inaalam pa ang pagkakakilanlan at ng kaniyang tatlong iba pa nagmula sa Front Committee 83 Central ni Ka Dady ng CPP-NPA-NDF. Narekober naman ang apat na malalakas na kalibre ng baril, combat packs na naglalaman ng mga personal na kagamitan at mga subersibong dokumento. Ayon kay Army’s 9th Infantry Division spokesman Major Harold Cabunoc, wala naman nasugatan sa panig ng tropa ng militar.