BULACAN, Philippines – Nagwakas ang mahabang pagtatago sa batas ng isang lalaki na sinasabing pangunahing suspek sa pagpaslang sa mag-amang negosyante noong Agosto 2008 makaraang maaresto ng pulisya sa bahagi ng Barangay Poblacion sa bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng umaga.
Sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu nina Judge Virgilita Castillo ng Malolos City Regional Trial Court Branch 12 at Judge Ramilo Basa ng Municipal Trial Court ng Norzagaray, dinakip ng mga tauhan ni P/Supt/ Marcos Rivero kasama ang mga tauhan ng Provincial Public Safety Management Company ang suspek na sina Rolando “Pancho” Bantog, 45, ng Brgy. Poblacion.
Base sa record, si Bantog ang sinasabing responsable sa pamamaslang sa mag-amang sina Ricardo Catahan Jr., 47; at Henry Catahan 24, noong Agsoto 1, 2008 sa bahagi ng Barangay Caypombo-Mag-asawang Sapa Road kung saan malubhang nasugatan din si Antonio Lapig 55, samantalang nakaligtas naman si Eduardo de Los Reyes na pawang nakatira sa Brgy. Balasing, Sta. Maria. Boy Cruz at Dino Balabo