Pabrika ng paputok sumabog, 1 grabe

BOCAUE,Bulacan, Philippines — Niyanig ng sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang isang pabrika ng pa­putok matapos itong masu­nog na nagresulta sa ma­lub­hang pagkasugat ng isang manggagawa sa Brgy. Igulot sa bayang ito ka­hapon.

Kinilala ang biktima na si Lito Babingao, 28-an­yos, binata at residente ng Ba­rangay Abangan Norte sa bayan ng Marilao na nag­tamo ng 2nd degree burn sa kanyang katawan.

 Base sa imbestigasyon ni SPO2 Jose Fabines dakong ala-1:15 ng hapon habang naghahalo ang biktima ng mga kemikal na isinasangkap sa paggawa ng mga paputok ng bigla itong sumiklab.

Kasunod nito ay mabilis na kumalat ang apoy at nasunog ang iba pang mga ginagawang paputok at mga kemikal na nagbun­sod sa sunud-sunod na pagsabog sa lugar.

Sa nasabing insidente ay natupok ng apoy ang buong pabrika habang minalas namang ma­su­gatan si Babingao kung saan umabot pa ng isang oras ang sunog sa pabrika bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero.

Napag-alamang wa­ lang kaukulang permiso mula sa pamahalaang ba­yan ang pabrika na pag-aari ni Evaristo Paeste ng Brgy. Lolomboy sa bayang ito na sinampahan na ng kauku­lang kasong krimi­nal.

Show comments