PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang alkalde sa bayan ng Rizal, Palawan makaraang arestuhin ng pulisya sa kasong rape sa Cebu City noong Hulyo 2010.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Gilbert Moises ng Cebu City Regional Trial Court Branch 18, nadakma si Rizal Mayor Nicolas Montaño Sr., 64, habang nasa conference sa Legend Hotel bandang alas-10 ng umaga.
“Hindi naman siya nag-resist nung arestuhin ng pinagsanib na elemento ng Puerto Princesa City PNP, Palawan PNP at Police Security Protection Group (PSPG) ng Cebu,” pahayag ni P/Supt. Rolando Amurao sa phone interview.
Dinala si Montaño sa Ospital ng Palawan para sa medical check-up bago dalhin sa Cebu City subalit habang nasa airport, biglang tumaas ang blood pressure nito kaya isugod muli sa ospital.
Sa ulat ng Freeman News, si Montaño na nanirahan sa Sitio Ibabao, Brgy. Mambaling, Cebu City, ay nahaharap sa kasong rape matapos ireklamo sa korte ng manikurista na nakilala lamang na alyas “Jane”.
Base sa record, noong Hulyo 8, 2010, nagtungo si Montaño sa isang salon sa Danao City Public Market para magpa-manicure kung saan nakilala niya si Jane sa pamamagitan din ng isang manikuristang si Dina.
Lumitaw na inireto ni Dina si Jane kay Mayor Montaño hanggang sa magkita ang dalawa sa motel sa may Osmeña Blvd., Cebu City, noong Hulyo 11, 2010 ng umaga.
Sinasabing sinundo ni Mayor Montaño si Jane sa nasabing motel sakay ng pulang kotse bago dinala sa bahay na hindi pamilyar sa biktima kung saan doon naganap ang maitim na balak.
Napag-alaman din na binalaan pa ni Montaño ang manikurista na mamatay kapag nagsumbong kanino man.
Pinaniwalaan naman ni Prosecutor Mario Edgardo Montenegro ang reklamo ng biktima at maisampa sa korte matapos dumaan kay Puerto Princesa City Prosecutor Nicolas Sellon kung saan walang piyansang inirekomenda.