Mayor diniskwalipika ng Comelec
BATANGAS, Philippines — Pinagtibay ng Commission on Elections En banc ang unang desisyon ng Comelec 2ND division sa disqualification ni Lipa Mayor Meynard A. Sabili dahil sa kakulangan ng residency requirement bago ito kumandidatong mayoralty race noong May 2010 eleksyon.
Sa 7-pahinang resolusyon ng Comelec na pinirmahan nina Commissioners Rene Sarmiento, Nicodemo Ferrer, Lucenito Tagle, Armando Velasco, Elias Yusoph, Gregorio Larrazabal at Chairman Jose Melo, ibinasura ng komisyon ang motion for reconsideration na inihain ni Sabili para baligtarin ang naunang desisyon ng Second Division noong Enero 26, 2010.
Naunang naghain ng petisyon si Florencio Librea laban kay Sabili na inayunan naman nina Commissioners Nicodemo Ferrer, Lucenito Tagle at Elias Yusoph.
Bago pa maganap ang May 10 eleksyon, pinakakansela na ni Librea ang certificate of candidacy ni Sabili nang ilagay nitong address ay Barangay Pinagtong-ulan at nakarehistro sa Precinct 407.
Iginiit ni Librea na naninirahan sa San Juan, Batangas si Sabili at tumira lang sa nasabing barangay nang wala pang 1-taon bago mag-May 10, 2010 elections. Gayon pa man, kumandidato pa rin si Sabili kung saan nanalo laban kay Mayor Oscar Gozos habang hinihintay ang desisyon sa inihain motion for reconsideration sa Comelec En Banc na lumabas lamang noong Agosto 17, 2010.
Sa panayam ng PSN kay Sabili, nakatakda anya silang maghain ng petition for a temporary restraining order sa Supreme Court para naman sa paghingi ng certiorari sa layuning mapabalewala ang desisyon ng Comelec.
- Latest
- Trending