Trahedya sa PMA boxing bout
FORT DEL PILAR, Baguio City, Philippines — Nauwi sa trahedya ang taunang intramural boxing bout ng Philippine Military Academy kung saan isang kadete ang inulat na nasawi matapos ang boksing, ayon sa ulat kahapon. Inamin ng mga opisyal ng PMA ang pagkamatay ni Second Classman Anthony Pastores ng Class 2012 noong Sabado ng umaga sa Saint Louis University Hospital dahil sa acute subdural hemorrhage.
Ayon sa tagapagsalita ng PMA na si Army Captain Lynnette Flores, si Pastores ay natagpuang nakahiga malapit sa palikuran sa covered court ng Academy matapos lumaban sa boksing noong Huwebes ng hapon.
Kaagad naman naisugod sa PMA hospital si Pastores kung saan inilipat sa SLU Hospital.
Ayon kay Flores, wala silang maipalabas na statement sa resulta ng pagkamatay ng biktima dahil tumanggi ang pamilya na isailalim sa autopsy ang mga labi ni Pastores.
“His parents decided against having the autopsy done to their son,” pahayag ng PMA spokesperson.
Nabatid na ang mga magulang ni Pastores ay nagtungo sa ospital mula pa sa Davao City ilang minuto bago salubungin ni kamatayan ang kanilang anak.
Kasalukuyang naiuwi sa Davao ang mga labi ni Pastores kung saan ihahatid sa huling hantungan sa Sabado.
- Latest
- Trending