5 sundalo utas sa NPA
MANILA, Philippines - Limang sundalo ng Philippine Army ang napaslang matapos na ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army ang command post ng militar sa bayan ng Veruela, Agusan del Sur kahapon ng madaling-araw.
Gayon pa man, pansamantalang hindi muna tinukoy ni Army’s 4th Infantry Division commander Major Gen. Victor Felix ang pangalan ng mga napatay dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Bandang alauna y 45 ng madaling-araw nang atakihin ang bagong tayong command post ng Charlie Company sa Barangay Fortuna, Veruela.
Nabatid na natutulog ang karamihan sa sundalo nang maganap ang sorpresang pag-atake.
Naisugod naman sa D.O. Plaza Memorial Hospital sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Norte ang isang sundalo na sugatan.
Nagawa namang matangay ng mga rebele ang tatlong armas ng mga sundalo.
Napilitan namang magsiatras ang mga rebelde matapos na mamataan ang paparating na reinforcement troops mula sa main camp ng mga sundalo.
- Latest
- Trending