Arreza nagpaliwanag kay P-Noy
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni SBMA Administrator Armand Arreza na nagpaliwanag na siya kay Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa ulat ng Commission on Audit (COA) na nakatanggap siya ng P26 milyong sahod kada taon.
Sinabi ni Adm. Arreza sa kanyang liham kay Pangulong Aquino, misleading ang ulat ng COA na nagsasabing P26 milyon ang natanggap nitong suweldo kada taon gayung P130,000 ang kanyang sahod at P300,000 ang kanyang allowance na ang kabuuan ay P1.85 milyon kada taon.
Nilinaw din ni Arreza sa kanyang liham kay P-Noy na ang P26 milyon ay pondong nakalaan sa kanyang opisina at hindi niya suweldo.
Aniya, dito magmumula ang para sa investment promotions at pag-host ng business events na nag kakahalaga ng P3.6-M; Tourism promotions na P2-M; sponsorship ng mga events at government relations na P2.9-M; at budget para sa mga employees welfare tulad ng Christmas bonus at sports festival gayundin ang budget para sa anti-smuggling drive.
“So these are items na hindi kasama sa regular budget ng SBMA. These are development expenses, investment promotions, tourism promotions, employees welfare, environmental protection, lahat po yun nakalagay sa tinatawag na budget ko kaya medyo misleading na sabihin na take-home pay ko yun,” paliwanag pa ng SBMA administrator.
- Latest
- Trending