12-anyos nadale ng meningo
BULACAN, Philippines — Maagap ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan para mapigil ang posibleng pagkalat ng meningococcemia sa San Jose Del Monte City matapos mapaulat na isang 12-anyos na lalaki ang namatay sanhi ng nasabing sakit.
Gayon paman, sinabi ni Dr. Joycelyn Gomez, ang provincial public health officer ng Bulacan hindi pa rin tiyak kung meningococcemia nga ang ikinamatay ng batang mag-aaral mula sa Nieto Elementary School sa Barangay Muzon.
Nagsagawa ng disinfection at fogging bukod sa pagbibigay ng gamot sa mga taong nakasalamuha ng biktima.
Nagsagawa rin ng information campaign sa mga residente para sa pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at kapaligiran upang maiwasan ang pagkakasakit.
Samantala, nagsimulang magkasakit ang biktima noong Agosto 9 matapos lagnatin kung saan nakadalo pa ng klase ngunit pagkaraan ng ilang araw ay sumuka ito ng plema at dugo kaya’t isinugod sa East Avenue Medical Center.
Noong Agosto 11, inilipat ang bata sa San Lazaro Hospital kung saan ito ay namatay, at noong Sabado ay na-cremate ang mga labi nito. Sa opisyal na medical result, lumilitaw na shock sanhi ng meningococcemia ang ikinamatay ng bata.
- Latest
- Trending