MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng 24 oras, nailigtas ng mga awtoridad sa kamay ng mga kidnapper ang isang nurse na anak ng dean ng isang unibersidad sa Dagupan City sa isinagawang rescue operations sa Agoo, La Union, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Supt. Romeo Caramat Jr., Director ng Dagupan City Police, bandang alas-9 ng umaga nitong Sabado ng masagip ang biktima sa simbahan sa Agoo, La Union.
Bago ito ay dumulog kamakalawa ng gabi ang pamilya ng 26-anyos na biktimang ipinatago ng pamilya nito sa pangalang Dorothy sa takot na buweltahan ng mga kidnappers hinggil sa pagdukot sa kanilang anak na hinihingan pa ng P1 M ransom.
Ang biktima ay nagpaalam pa sa kaniyang mga magulang na magsho-shopping sa Nepo Mall sa Dagupan City pero na bigo ng makabalik ng kanilang tahanan hanggang sa kumontak ang mga kidnapper.
Nang matunton ang kinaroroonan ng biktima ay agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakabawi dito matapos na abandonahin ng mga kidnappers.