MANILA, Philippines - Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court ang isang pulis at isa pa na inakusahang nasa likod ng pagpaslang sa isang komentarista ng DZJC noong 2004, matapos hindi magtugma ang cartographic sketch sa testimonya ng isang testigo ng prosekusyon.
Sa desisyon ni Judge Reynaldo Alhambra ng MRTC Branch 54, napatunayang inosente ang mga akusadong sina SPO4 Apolonio Medrano at kasabwat nitong si Basilio Yadao, sa pagpaslang kay Roger Mariano, announcer at komentarista ng DZJC sa Laoag City.
Nabatid na ang biktima na kilalang hard-hitting na komentarista dahil sa pagbatikos nito laban sa jueteng operation at sa iregularidad sa lokal na electric cooperative ay pinagbabaril ng hindi nakikilalang suspect sa Laoag City noong Hulyo 31, 2004, habang sakay ng kanyang motorsiklo.
Sina Medrano at Yadao ang itinurong nasa likod ng pagpatay at kinasuhan.
Nabatid na hindi uma no kinatigan ng hukom ang testimonya ng testigong si Alvin Turingan, na nakita niya ang mga akusado sakay ng van sa pamamagitan ng rogue picture gallery, sa halip kinatigan ang testimonya ng depensa na imposibleng makilala ni Turingan ang mga akusado kung naka flash sa kanya ang headlight ng sasakyan.